Hinikayat ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga Department of Transportation (DOTr) at Toll Regulatory Board (TR) na tugunan ang nararanasang problema sa pagpapatupad ng cashless transactions sa expressways.
Sinabi ni Go na bagaman sumasailalim na sa imbestigasyon ang usapin mahalagang agad itong matugunan para maiwasan ang abala sa mga motorista.
“Meron na po silang ginagawang imbestigasyon at pamamaraan para maisaayos po ang problema d’yan sa trapik na dulot ng RFID,” ayon kay Go.
Panawagan ni Go sa DOTr at TRB ayusin ang problema at huwag ipasa sa publiko ang trapik.
Tinukoy ni Go ang mga depektibong RFID tags na nagdudulot ng domino effect sa sitwasyon sa traffic sa expressways.
Hinkayat ng senador si DOTr Secretary Arthur Tugade na papanagutin ang mga responsable sa usapin.
“Kay Secretary Tugade, nakikiusap po ako sa inyo, kung kailangang suspindihin mo po ang mga may kasalanan, ‘yung mga concessionaire, suspindihin n’yo na po,” ayon pa ay Go.
Una nang nagbabala si Samar Rep. Edgar Sarmiento, pinuno ng House of Representatives Committee on Transportation, sa TRB na ipapa-veto nila kay Pangulong Duterte ang 2021 budget ng TR kapag hindi naayos ang problema.
Ayon kay Go, may kapangyarihan talaga ang pangulo na i-veto ang budget ng TRB.
“Karapatan po n’ya ‘yan kung may gusto siyang i-veto, pero ‘di sya pwedeng magdagdag. Pwede po n’ya burahin,” ayon kay Go.
Kasabay nito tiniyak ni Go na sa kabila ng pagnanais ng pangulo na agad maipasa ang 2021 national budget ay aaralin itong mabuti bago mapirmahan.
Ito ay dahil kailangang-kailangan aniya ang budget para sa COVID-19 response kabilang ang pagbili ng bakuna.
“Pero isa rin po ang ating Pangulo sa nagmamadali na maipasa ang budget. Kapag ipinasa na po ng both house leaders (sa Office of the President), aaralin at mapipirmahan na po ito ng Pangulo bago sumapit ang 2021,” sinabi ng senador.