
Binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go na hindi siya sangkot sa anumang katiwalian ng flood control projects at hindi niya kilala ang mga Discaya.
Ang reaksyon ng senador ay kasunod ng paratang ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na kasama siya sa pinoprotektahan ng mga Discaya kaya ayaw nang makipagtulungan sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay sa mga flood control projects.
Iniimbestigahan na rin ng Ombudsman at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang koneksyon ng mga Discaya sa kumpanya ng ama ng senador na CLTG Builders.
Sa pulong balitaan ay sinabi ni Go na siya mismo ay handang maging complainant at kasuhan kahit pa ang kanyang kamag-anak kung sakaling mayroon mang paglabag at pagkukulang.
Gayunman, tinukoy ni Go na naunang nilinaw na sa pagdinig sa Senado na nagkaroon ng joint venture ang CLTG Builders at ang mga Discaya sa Davao pero natapos naman ang mga proyekto.
Naniniwala si Go na pinalutang ang tungkol sa kumpanya ng kanyang pamilya dahil inililihis ang isyu lalo na ang mga tunay na nasa likod ng maanomalyang flood control projects.









