Sen. Bong Go, ikinalugod ang paghahain ng resolusyon ng Kamara para depensahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa imbestigasyon ng ICC

Ikinalugod ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagtatanggol na ginawa ng mga mambabatas sa Kamara para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa planong imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC).

Pinangunahan ni dating Pangulo at ngayo’y Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo kasama ang 19 pang mga kongresista ang paghahain ng resolusyon para depensahan si dating Pangulong Duterte mula sa imbestigasyon ng ICC na may kaugnayan sa ipinatupad noon na kampanya kontra iligal na droga.

Ayon kay Go, na kilalang malapit na kaalyado ng nakaraang administrasyon, nagpapasalamat siya kay CGMA at sa mga kongresista sa hanggang ngayon na tiwalang ibinibigay kay dating Pangulong Duterte.


Naniniwala ang senador na ginawa lamang noon ni dating Pangulong Duterte ang kanyang sinumpaang tungkulin para sa kaligtasan ng mga Pilipino at sa magandang kinabukasan ng mga kabataan.

Sinabi pa ni Go na ang mga Pilipino ang makapagsasabi sa tunay na sitwasyon at ang naging epekto ng kampanya laban sa iligal na droga at hindi ang mga banyaga.

Isa aniya sa naging epekto ng pagpupursigi ng dating Pangulo na puksain ang iligal na droga sa bansa ay iyong ginhawa na ligtas na nakakalakad sa kalsada sa gabi at ang paguwi galing sa trabaho na walang takot.

Hindi aniya dapat mga dayuhan ang huhusga sa atin dahil napatunayan namang buhay na buhay pa ang demokrasya sa bansa at umiiral pa rin ang batas.

Facebook Comments