Sen. Bong Go, may babala sa mga ninja cops na pinagtatakpan ang isa’t isa

Binalaan ni Sen. Christopher Bong Go ang mga opisyal ng Philippine National Police o PNP na huwag pagtakpan ang kalokohan ng kanilang mga tauhan.

Ginawa ni Go ang babala sa kasagsagan ng senate inquiry sa “ninja cops” kung saan nakakaladkad ang pangalan ni PNP Chief General Oscar Albayalde.

sa pagdinig ng senado ay inamin ni PDEA Chief Aaron Aquino na noong 2016 ay tinawagan siya ni Albayalde para huwag ipatupad ang dimissal order sa mga tauhan niyang pulis na sangkot sa November 2013 “agaw-bato” case sa Pampanga.


Bilang tugon ni Aquino sa hiling ni Albayalde ay pinareview niya ang kaso at sa halip na dismissal ay inilipat niya ng assignment sa Mindanao ang mga pulis na sangkot sa kontrobersyal na drug raid.

Giit ni Senator Go, huwag ilipat ng assignment at sa halip ay tanggalin sa hanay ng PNP ang mga scalawag o tiwaliang mga pulis, lalo na ‘yung mga sabit sa extortion at droga.

Si Albayalde ang Pampanga Provincial Director nang mangyari ang nasabing raid kung saan mahigit 36 kilos lang ang idineklara ng mga pulis sa nasabat nilang mahigit 200 kilos ng shabu habang pinakawalan umano ang drug suspek na si Johnson Lee kapalit ng 50-million pesos at lahat sila ay sabay-sabay umanong nagkaroon ng Sports Utility Vehicle.

Facebook Comments