Sen. Bong Go, nagbigay ng ayuda sa mahihirap na pamilya sa Diliman, Quezon City

Nagpadala ang tanggapan ni Senador Christopher “Bong” Go ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng pandemya sa Barangay UP Village sa Diliman, Quezon City.

“Mga kababayan ko, tuluy-tuloy lang po ang ating pagbabayanihan. Magtulungan lang po tayo at patuloy lang magtiwala sa gobyerno na walang ibang hangarin kundi ang proteksyunan ang buhay ng bawat Pilipino,” pahayag ni Go sa kanyang video message.

Isinagawa ang pamamahagi sa Barangay UP Village Covered Court kung saan 1,000 residente ang tumanggap ng meals and masks. Nagpadala rin ang senador ng mga bisikleta sa ilang residente para makatulong sa kanilang pagko-commute.


Tumanggap din ang ilang indibidwal ng computer tablets at mga bagong pares ng sapatos mula kay Go. Samantala, nagbigay din ang mga kinatawan mula sa Department of Social Welfare and Development ng financial aid sa bawat pamilya.

Hinikayat din ng senador ang may mga karamdaman na bisitahin ang alinmang 11 Malasakit Centers sa lungsod kung may problema sila sa bayarin sa ospital.

Nanawagan din si Go, chair ng Senate Committee on Health, sa mga kuwalipikadong indibidwal na kumpletuhin ang kanilang bakuna at magpa-booster shot laban sa COVID-19 upang maprotektahan ang kanilang mga sarili mula sa malalang sintomas ng virus at matulungan ang bansa na mapabilis ang pagbangon ng ekonomiya.

“Mga kababayan ko, ang bakuna po ang pag-asa natin dito. Magtiwala ho kayo sa bakuna. Ang bakuna po ang tanging susi para unti-unti na tayong makabalik sa ating normal na pamumuhay,” pagbibigay diin ni Go.

“Kahit po na bumaba na ang kaso ng COVID-19, tuloy lang po tayong sumunod sa mga health protocols at please lang po, magpabakuna na po kayo. Para po ito sa proteksyon niyo,” dagdag pa niya.

Pinasalamatan din ni Go ang mga lokal na opisyal sa pagtulong sa kanilang constituents upang makaahon sa pagsasabing, “Ipagpatuloy lang po natin ang pagseserbisyo sa ating mga kababayan. Kami naman po ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nandito lang po sa abot nang aming makakaya.”

“Mga kababayan ko, focus muna tayo ngayon dito sa pandemyang ito. Mamaya na po ‘yung pulitika dahil baka wala na po tayong pulitikang pag-uusapan ‘pag hindi po natin nalampasan itong krisis na ating kinakaharap,” paghimok pa ni Go.

Facebook Comments