Sen. Bong Go, pinagsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang Senado patungkol sa mga akusasyon ni dating PCSO General Manager Royina Garma

Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang Senado na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon patungkol sa akusasyon sa kanya ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma na kasama siya sa utak ng nationwide campaign ng war on drugs noong panahon ng dating administrasyong Duterte.

Naniniwala ang mambabatas na isang diversionary tactic ang affidavit at pahayag ni Garma kung saan pilit siyang kinakaladkad at si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nasa likod ng giyera kontra iligal na droga at pagpapatupad ng reward system sa kada-mapapatay sa kampanya.

Ipinaalala ni Go na sangkot si Garma sa murder plot ni PCSO board secretary Wesley Barayuga noong 2020 na unang lumabas din sa Quad Committee hearing sa Kamara.


Ayon kay Go, malinaw na inililihis ni Garma sa tunay na isyu na kanyang kinahaharap at ito ay ang kanyang partisipasyon sa murder plot sa dating PCSO official.

Binigyang-diin ng senador na ang walang sapat na ebidensya at malisyosong pahayag ni Garma laban sa kanya at kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ay walang lugar sa isang lehitimong imbestigasyon.

Bunsod nito ay hinihikayat ni Go ang Mataas na Kapulungan na siyasatin ang isyu upang matiyak ang pagiging patas sabay giit na hindi niya hahayaang dungisan ang kanyang pangalan.

Facebook Comments