Pormal na tinanggihan ni Senador Christopher “Bong” Go ang pag-endorso sa kanya ng National Executive Committee ng ruling party Partido Demokratiko Pilipino Laban ng Bayan (PDP-Laban) na maging presidential candidate, kasama si Pangulong Rodrigo Duterte na inendorso namang tumakbo bilang bise presidente.
Sa liham kay party president at Department of Energy Secretary Alfonso Cusi, sinabi ni Go na bagamat ikinararangal niya ang tiwala at kumpiyansa, magalang niyang tinatanggihan ang endorsement.
“I am deeply honored by the trust and confidence of the members of the NEC in my capability to run for the presidency this coming 2022 elections. For a simple man who hails from a city in the South, the endorsement alone by esteemed members and officers of the NEC is a great personal honor for me,” ani Go.
“As much as I wish to respond to the clamor of many of our partymates, I most respectfully decline the said endorsement. As I have said many times before, I am not interested in the presidency,” dagdag pa niya.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, sinabi ni Go na mas nais niyang ilaan ang kanyang oras at atensyon sa pagtulong sa pamahalaan at sa mga Filipino na malagpasan ang pandemya sa lalong madaling panahon.
“This includes not just crafting laws but also performing representation and constituency services, particularly by helping those in need, as I have been doing ever since,” paliwanag pa ng senador.
Nakasaad din sa sulat na ipinauubaya niya ang kanyang
political future sa Panginoon.
“Ipapasa-Diyos ko na lang ang lahat,” pagtatapos ni Go sa liham.
Una nang pinasalamatan ni Go ang publiko sa kanilang tiwala at suporta, kasunod ng independent surveys na nagpapakita ng mataas na trust at performance ratings niya, ni Pangulong Duterte, at ng buong administrasyon.
“Maraming salamat po sa inyong tiwala, lalung lalo na po sa administrasyon ni Pangulong Duterte. Marahil ay nakakita po ang mga supporters niya ng rason para maipagpatuloy ang mga magagandang nagawa ng Pangulo. Continuity po ang kanilang hinahanap,” naunang pahayag ni Go.
“Ngunit hindi pa rin nagbabago ang isip ko. Hindi talaga ako interesado. Unahin niyo na lang ang mga may gusto talagang tumakbo bilang Pangulo. Kung ako tatanungin ninyo, mas gugustuhin ko na ako’y tahimik na nagseserbisyo para sa kabutihan ng kapwa kong Pilipino bilang inyong Senador,” dagdag pa niya.
Tiniyak din ng senador na hindi mahahadlangan ng mga usapin tungkol sa nalalapit na eleksyon ang kanyang pagse-serbisyo publiko at hindi niya nililimitahan ang sarili bilang mambabatas lamang.
“As I have said numerous times, I will not limit myself to legislation only. Parte rin ng tungkulin ko ang representation at constituency services. Magseserbisyo ako sa Pilipino kahit saan man sila sa mundo para tugunan ang mga suliranin, pakinggan ang mga hinaing, at mag-iwan ng ngiti sa oras ng kanilang pagdadalamhati,” aniya.
“Focus muna tayo, serbisyo muna tayo. Mahalaga po nandiyan po ang ating recovery measures at importante po walang maiwan sa ating pagbangon bilang nagkakaisa at mas matatag na bansa,” dagdag pa ng senador.
Umaasa rin si Go na kung sinuman ang susunod na mamumuno sa bansa ay ipagpapatuloy ang mga nasimulan ni Pangulong Duterte para sa mas maginhawang buhay ng lahat ng Filipino.
“Kung papaano maipagpapatuloy ang mga magagandang pagbabago na nasimulan ni Pangulong Duterte, lalo na ang kampanya laban sa kriminalidad, korapsyon at iligal na droga. At kung papaano rin maipagpatuloy ang pagkakaroon ng isang gobyerno na may malasakit sa kanyang mamamayan para maiahon ang ating bansa mula sa krisis na ito,” pagbibigay diin ni Go.
“Iyon ang aking konsiderasyon sa pagpili ng susunod na mamumuno sa ating bansa. Importante na may katimbang si Pangulong Duterte na kayang ipagpatuloy ang mga nagawa niya. Iyan ang continuity na sinasabi ko. Pero please lang, huwag lang ako,” muling pahayag ni Go.
####