Hiniling ni Senator Chrtipher “Bong” Go kina Pangulong Rodrigo Duterte, Finance Secretary Carlos Dominguez III, Budget Secretary Wendel Avisado, at iba pang concerned national government agencies na magbigay ng dagdag na tulong sa mga mahihirap na Pinoy sa pamamagitan ng expanded Social Amelioration Program.
Sinabi ng Senador na mahalagang makahanap ng pondo upang matulungan ang mahihirap na pamilyang nawalang ng pangkabuhayan dahil sa pandemya ng COVID-19.
Hinikayat din ni Go ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tukuyin kung ilang mamamayan sa bansa ang karapat-dapat na tumanggap ng social amelioration.
Sinabi ni Go na dapat mahanapan ng paraan upang mabigyan ng dagdag na ayuda ang mga nangangailangan.
“Marami pong naghihirap ngayon. Karamihan ay nawalan ng trabaho o hirap ang kabuhayan at may mga pamilyang binubuhay kaya gawin natin ang lahat ng ating makakaya para pagaanin ang pasakit na dinadala nila. Hindi lang po sana ito sa NCR o sa katabing mga probinsya lamang. Buong Pilipinas po sana,” ayon sa senador.
Sinabi ni Go na ngayong muling naghigpit sa NCR at mga katabing lalawigan, dapat ay agad na matugunan ang problema dahil naranasan naman na ito ng bansa noong nakaraang taon.
“Naranasan na po natin ito noong nakaraang taon. Ayusin na natin agad kapag may mga nakikitang problema sa listahan ng mga benepisyaryo.
Siguraduhin natin na magamit ang pondo nang tama, walang masayang, at maramdaman ng mga tao kahit sa malalayong lugar ang tulong mula sa gobyerno,” dagdag ng senador.