1 kasalukuyan at 2 dating senador, idinawit sa ‘ kickback’ sa mga maanomalyang proyekto ng ahensya

Humarap na si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo sa ika-anim na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kung saan tatlong senador ang pinangalanan nito na nakinabang at nangomisyon sa mga maanomalyang proyekto ng DPWH.

Sa binasang affidavit ni Bernardo sa pagdinig, pinangalanan nito sina Senator Chiz Escudero, dating Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., at dating Senator Nancy Binay na humingi ng mga proyekto at kumuha ng kickback mula sa mga ghost projects.

Ayon kay Bernardo, 20% o P800 million, o nasa P160 million, ang kinolekta ni Maynard Ngu para kay Escudero, at ang mga proyektong nakuha ay mula sa Valenzuela at Marinduque na naipasok sa General Appropriations Act.

Noong 2024 naman, nagkita si Bernardo at Revilla kung saan humingi umano ito ng listahan ng mga proyekto na inihanda ni dating District Engineer Henry Alcantara, na gagamitin para sa re-election bid ng senador noong midterm elections.

Si Alcantara mismo ang kumolekta ng 25% kickback ni Revilla na umabot sa P125 million at inihatid sa bahay ng dating senador sa Cavite.

Sa parehong taon, isang staff ni Binay na si Carleen Villa ang tumawag kay Bernardo para humingi ng mga proyekto at 15% na komisyon.

Nasa P37 million umano na kickback ang inihatid ni Alcantara sa bahay ni Binay sa Quezon City.

Iginiit ni Bernardo na wala siyang personal knowledge o partisipasyon sa pagpili ng mga ghost projects at sa hatian ng komisyon. Itinuro niya na sina Alcantara, Engineer Brice Hernandez, Engineer Jaypee Mendoza, at Engineer Arjay Domasig — na pawang mga opisyal ng Bulacan First District Engineering Office — ang may partisipasyon sa naturang ilegal na gawain.

Facebook Comments