Sen. Chiz Escudero: Isinusulong na wage increase, hindi magpapabagsak sa ekonomiya

Tinabla ni Senator Chiz Escudero ang business leaders na nagsasabing babagsak ang ekonomiya kapag binigyan ng nararapat na pagtaas sa sweldo ang mga manggagawa.

Ayon kay Escudero, sa tuwing may pinag-uusapan na umento sa sahod, palagi na lamang panakot ng mga negosyante at mga kompanya ang pagbagsak ng ekonomiya.

Punto naman ng senador, nakailang patupad na tayo ng wage increase pero wala namang nangyaring pagguho sa ekonomiya.


Kinontra rin ni Escudero ang pagtingin ng mga malalaking negosyante na kapag tapyas sa corporate income tax rates ng mga negosyo ang ipinatupad kung saan makakatipid sila ng bilyong piso, ito ay tinatawag nilang ‘economic necessity’ pero itinuturing naman nilang ‘economic sabotage’ ang kakarampot na hinihinging wage hike ng mga manggagawa.

Hindi rin aniya nangyari ang argumento noon ng mga nagsusulong ng tax breaks na manggagawa ang makakatikim ng dibidendo sa mga natipid na buwis o kaya ay itataas ang kanilang mga sweldo.

Ipinunto pa ni Escudero na batay sa mga datos na iprinisinta ng labor groups, maliit na porsyento lamang sa annual na kita ng mga malalaking kumpanya at kahit ng small enterprises ang mababawas kung ibibigay nila sa mga manggagawa ang dagdag na sahod.

Facebook Comments