
Umalma si Senator Chiz Escudero sa alegasyon ni House Deputy Speaker Ronaldo Puno na sila ni Congresman Zaldy Co ang dapat na sisihin sa budget insertions ngayong taon.
Ayon kay Escudero, katawa-tawa ang ginagawa nina Puno at ang Kamara dahil mabilis na inabswelto si dating House Speaker Martin Romualdez habang inilaglag si Co at nagturo pa ng iba.
Iginiit ng senador na ang tunay na isyu dito ay ang mga ghost projects, substandard na imprastraktura at mga kickbacks sa nakalipas na pambansang budget.
Tinukoy ni Escudero na nangyari ang mga iyan sa taong 2022, 2023 at 2024, mga taon na House Speaker si Romualdez.
Nagbabala ang mambabatas na huwag magpa-distract ang publiko sa mga politikal na salaysay na nagtatangkang linisin ang nangyaring eskandalo.









