Sen. Cynthia Villar, humingi ng tawad sa middle-class workers

FILE PHOTO from Facebook/Cynthia A. Villar

Humingi ng tawad sa publiko ni Sen. Cynthia Villar kaugnay ng naging pahayag na hindi dapat tumatanggap ng tulong pinansyal mula sa pamahalaan ang mga middle-class worker.

Paglilinaw ng mambabatas, wala siyang intensyon na saktan ang damdamin ng middle-income sector.

“I am concerned and I look out for the welfare of the middle income workers. If I have offended anyone with my statements, I humbly apologize,” sabi ni Villar nitong Miyerkoles.


Nagkamali raw siya ng mga salitang binigkas nang mapag-usapan sa Mataas na Kapulungan ang naturang paksa.

Kinilala rin ng opisyal ang kontribusyon ng middle-class sector sa ekonomiya ng Pilipinas.

“My statements during the hearing yesterday [Tuesday] was not in any manner meant to be an affront to the hardworking middle class of the country,” pagpapatuloy niya.

Mariing kinondena ng maraming netizen ang komento ni Villar sa nangyaring pagdinig nitong Martes, kung saan kinuwestiyon niya ang pagiging benepisyaryo ng middle-class workers sa social amelioration program.

Sa ilalim kasi ng Bayanihan to Heal As One Act, nasa 18 milyong pamilya ang nais tulungan ng gobyerno.

“Yung 18 million is 82%. Bakit bibigyan ‘yung middle eh may trabaho sila, kahit lockdown nagsusweldo sila sa gobyerno kung employed by the government. Kung employed naman ng mga private, nagsusweldo rin sila kaya nga nahihirapan ang mga companies kasi they have to pay the salaries even if there is no business,” giit ng senador.

“Hindi ko ma-accept ‘yung figure na ‘yun kasi masyado mataas. Nade-deprive ‘yung mahihirap,” dagdag pa niya.

Facebook Comments