Iginiit ni Senator Cynthia Villar na pinepersonal siya ng ilang opisyal ng BF Resort Village sa Las Pinas City matapos lumabas ang nag-viral na video sa social media kung saan galit na pinapaalis ng senadora sa mga security guard ang harang na bakal sa daan.
Paliwanag ni Villar, nagagalit sa kanya ang mga opisyal ng homeowners association ng BF Resort Village dahil naghain siya ng reklamo sa korte ng lungsod kaugnay sa paglabag ng village sa ordinansa na ipinasa ng lokal na pamahalaan noong 1995.
Hindi kasi aniya kinikilala ng BF Resort Village ang ‘friendship sticker’ ng mga motoristang dumadaan sa BFRV na aniya’y paglabag sa local legislation.
Sa halip aniya na i-recognize ang ‘friendship sticker’ ng mga sasakyan ng mga residenteng dumadaan sa BF Resort Village matapos maglabas ang korte ng TRO ay nagbenta pa ang homeowners ng sariling stickers sa halagang P2,500 gayong ang ‘friendship sticker’ ay libreng makukuha sa city hall.
Naging sunud-sunod na rin aniya ang mga panggigipit sa kanya at sa iba pang motorista na dumadaan sa pampublikong kalsada na nasa loob ng BFRV.
Naunang sinabi ni Villar na wala siyang masamang ginagawa at ang pagpapaalis sa harang sa public road na nakakasakop sa BF Resort Village ay karapatan ng mga dumadaang motorista.
Dumipensa rin si Villar sa paratang ng ilan na siya ay isang ‘homophobic’ matapos sabihan na kung ‘bakla’ ang gwardya para saktan sa nag-viral na video kamakailan.
Paliwanag ng senadora, paano niya masasaktan ang gwardya gayong ang laki-laki nito at may baril pang hawak at sa liit niyang iyon ay hindi niya magagawang saktan ang gwardya tulad ng naririnig sa viral video.
Para kay Senator Cynthia, mas gugustuhin niyang maalala ng publiko na isang senador na lumalaban sa kung ano ang tama at makabubuti sa mga tao kesa sa isang senador na tahimik lang.