Sen. De Lima, hinamon si P-Duterte na ilagay sa Davao City si Insp. Espenido

Manila, Philippines – Hinamon ni Senator Leila de Lima si Pangulong Rodrigo Duterte na maging patas sa pamamagitan ng paglalagay kay Insp. Jovie Espenido sa Davao City sa halip na sa Iloilo.

Katwiran ni de Lima, hindi tama na tinatakot ng pangulo si Iloilo City Mayor Jed Mabilog habang nananatiling “untouchable” naman ang anak nito na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte.

Sa kabila aniya ito ng pagkakasangkot ni Paolo sa Davao group na pinaghihinalaang nagmaniobra sa paglusot sa Bureau of Customs ng 6.4 billion pesos na halaga ng shabu galing sa China.


Giit ni de Lima, mali na takutin si Mabilog sa pamamagitan ng pag-pwesto kay Espenido sa Iloilo City habang si Vice Mayor Paolo, hanggang ngayon ay wala pa rin sa narco list ni Pangulong Duterte.

Binigyang diin ni de Lima na kung may sapat na ebidensya na magdidiin kay Mayor Mabilog sa ilegal na droga ay dapat kasuhan na ito ng Dept. of Justice at pairalin ang karapatan niyang idepensa ang sarili.

Ayon kay de Lima, ang pagsira ni Pangulong Duterte sa reputasyon at magandang track record ni Mayor Mabilog ay katulad ng ginawa nitong pagsira sa pangalan at pagkatao niya.

Facebook Comments