Sen. de Lima, may banat sa pagkuha kay Kabayan Partylist Representative Harry Roque para maging tagapagsalita ng pangulo

Manila, Philippines – Binanatan ni Senator Leila de Lima ang pagkuha ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Kabayan Partylist Representative Harry Roque para maging tagapagsalita nito.

Ayon kay de Lima, dagdag lang si Roque sa lalong magpapabagsak sa antas ng pananalita ng mga taga palasyo na walang respeto sa kanilang mga sarili at sa kapwa Pilipino.

Nangangamba si de Lima, na palalakasin lang ni Roque ang pwersa nina Presidential Legal Adviser Salvador Panelo at Communications Secretary Martin Andanar para lalong dumihan at itapon sa basurahan ang pagiging magalang at magagandang ugali at asal ng mga Pilipino.


Nanghihinayang si de Lima dahil ang disenteng katulad ni Secretary Ernesto Abella ay papalitan lang ng isang katulad ni Roque na magpapalala sa corruption ng Filipino values sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Dismayado si de Lima na pawang bulok na ugali at mga kabastusan ang ipinapakitang halimbawa sa mga kabataaan ng mga opisyal ng palasyo na aniya’y katulad lang din ng kanilang amo na si Pangulong Rodrigo Duterte.

Facebook Comments