Nagbunyi si Senator Leila De Lima matapos siyang ma-acquit sa isa sa tatlong kinahaharap na drug cases na inihain laban sa kanya.
Ayon kay De Lima, ikinokonsidera niyang tagumpay ang kanyang acquittal sa ilalim ng Duterte Administration.
“To be acquitted even in just one case, in the time of Duterte, is a victory,” ani De Lima.
Bago ito, ipinawalang sala ng Muntinlupa City court si De Lima sa isa sa tatlong drug cases pero hindi pinagbigyan ng korte ang kanyang apelang i-dismiss ang isa pa sa mga kaso.
Si De Lima ay nahaharap sa dalawang illegal drug trading cases na inihain sa Muntinlupa Regional Trial Court Branch 205, kung saan naghain ang senador ng demurrer laban sa mga kaso.
Sa dalawang magkahiwalay na kautusan, pinagbigyan ni Muntinlipa Regional Trial Court Branch 205 Judge Liezel Aquiatan ang demurrer to evicence ni De Lima sa kanyang kaso kung saan kapwa niya akusado ang kanyang pamangkin na si Jose Dera.
Sabi ng husgado na nabigo ang prosekusyon na maglatag ng matibay na ebidensya na dawit si De Lima sa kaso.
Ang mga testimonya ng mga saksi – kabilang ang mga Bilibid inmates na sina Hans Tan at Peter Co ay hindi sapat para patunayan ang drug trading o ang pangongolekta ng drug money ni Dera at pagtanggap dito ni De Lima.
Ibinasura naman ng korte ang demurrer to evidence ni De Lima sa kaso kung saan akusado naman ang kanyang dating aide na si Ronnie Dayan.
Hindi rin pinagbigyan ng korte ang apela ni De Lima na magpiyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.