Muling binigyang-diin ni Opposition Senator Leila de Lima na wala siyang pinagsisisihan sa desisyong tutulan ang hindi makataong polisiya ng administrasyon Duterte.
Nabatid na ito ang naging dahilan ng hindi makatarungang pagkakakulong sa senadora noong Feb. 24, 2017.
Sa open letter niya sa sambayanang Pilipino na inilabas kahapon kasabay ng kanyang limang taong pagkakakulong, sinabi ni De Lima na handa niyang tiisin ang mga hamon na dala ng kanyang political persecution sa paglaban sa extrajudicial killings at paggamit ng ilan sa kapangyarihan ng estado para abusuhin ang karapatang pantao.
Aminado ang senadora na mahirap ang makulong pero patuloy siyang nagpapakatatag at walang pinagsisisihan lalo na kung ang kanyang papel sa bayan ay ipamulat ang karapatang pantao para sa lahat.
Sa kabila nito, patuloy na ginagampanan ni De Lima ang kanyang trabaho kung saan nakapaghain ito ng 700 na panukalang batas at resolusyon sa Senado.
Kabilang dito ang 4PS Act, Magna Carta of the Poor Act, National Commission of Senior Citizens Act at Community-Based Monitoring System Act.