Sen. Dela Rosa, aminadong walang “bloc” ang magdadala sa mga kandidato ng PDP-Laban sa 2025; dagdag na mga Duterte na tatakbo sa Senado, ikinatuwa ng mambabatas

Aminado si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na sa ngayon ay walang bloc ang magdadala sa kanilang mga kabilang sa PDP-LABAN para sa darating na 2025 elections.

Magkagayunman, naniniwala si Dela Rosa na magiging masaya na ang kampanya ng PDP-Laban sa susunod na halalan sakaling seryosohin at itutuloy nina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Davao City Congressman Paolo Duterte at Davao City Mayor Sebastian Duterte ang pagtakbo sa pagka-senador.

Ayon kay Dela Rosa, nagulat siya sa anunsyo ni Vice President Sara Duterte pero masaya rin siya dahil madagdagan na silang dalawa ni Senator Bong Go kung saan magiging anim na ang tatakbo sa pagka-Senador ng kanilang partido.


Aniya, “guerilla style” ang paraan ng magiging kampanya nila ni Go dahil hindi naman sila manok ng administrasyon at hindi rin sila pambato ng oposisyon.

Ibig sabihin, kung sino lang ang mag-imbita o mag-accommodate sa kanila ay doon sila mangangampanya hindi tulad sa administration slate na lahat ng LGU ay may nakalaang entablado, hosts at may mag-aasikaso.

Sakali aniyang tumuloy ang tatlong Duterte sa pagtakbo sa Senado ay posibleng mula sa “guerilla tactics” ay unti-unti silang bumalik sa conventional style ng kampanya.

Facebook Comments