Sen. Dela Rosa, dismayado kung hanggang ‘keyboard warriors’ lamang tayo pagdating sa pakikipaglaban sa karapatan sa West Philippine Sea

Dismayado si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa kung hanggang sa pagiging “keyboard warriors” lamang ang kayang gawing pakikipaglaban ng mga Pilipino para sa ating karapatan sa West Philippine Sea (WPS).

Ito ay sa gitna na rin ng patuloy na pagtutol ni Senator Risa Hontiveros sa mandatory ROTC Bill at sa halip mas dapat na palakasin ang AFP modernization at iba pang aspeto ng national defense para patuloy na maprotektahan ang ating teritoryo.

Tanong ni Dela Rosa sa senadora ay kung paano naman dedepensa para sa bansa kung wala tayong reserve force at saan din kukuha ng hukbo kung sakaling ubos na ang ating mga sundalo.


Kinukwestyon din ng senador kung hanggang sa hampasan ng keyboard na lamang ba ang pakikipaglaban sa ating karapatan gayong mas dapat na matutong magmartsa, gumamit ng armas, gumapang, tumakbo at kumober ang mga Pilipino.

Giit ni Dela Rosa, kailangang depensahan ang bansa kahit kailan at kahit saan at ang pagkakaroon ng malakas na reserve force ay makakatulong sa pangangalaga ng soberenya gaya na lamang halimbawa sa mga bansang Israel at Singapore.

Naniniwala pa ang mambabatas na hindi tayo magkakaroon ng maaasahang depensang pambansa kung wala tayong sapat na reserve force at sa pamamagitan lamang din ng ROTC program makakapag-produce ang bansa ng sapat na pwersa.

Facebook Comments