Sen. Dela Rosa, handang humarap sa korte sakaling sampahan ng kaso kaugnay sa war on drugs

Nakahanda si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na harapin ang anumang kasong ihahain laban sa kanya matapos na irekomenda ng House Quad Committee na sampahan siya ng kasong paglabag sa Republic Act 9851 na may kinalaman sa crimes against humanity.

Ayon kay Dela Rosa, inaasahan niya na ang magiging rekomendasyon ng committee report ng Quad Comm at talagang ang pakay sa kanila ay gibain ng tuluyan ang mga Duterte at kanilang mga kaalyado.

Sadya aniyang gagawin ang lahat para mapahirapan lamang sila.


Gayunpaman, hindi naman natatakot si Dela Rosa at handa aniya siyang harapin ang kaso sakaling sampahan na siya ng asunto sa Department of Justice (DOJ).

Bagama’t hindi pa naman agad-agad ay makakapagsampa ng kaso laban sa kanya, inaasahan niyang magkakaroon ng imbestigasyon dito ang DOJ.

Sa kabila nito, sinabi ni Dela Rosa na malaki ang kanyang tiwala sa mga korte sa bansa na mananaig ang hustisya sa huli.

Bukod kay Dela Rosa, kasama rin sa pinasasampahan ng paglabag sa Republic 9851 o ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide and Other Crimes Against Humanity si dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Christopher “Bong” Go.

Facebook Comments