Ayaw ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na magpaapekto sa mabilis na pag-adopt o pag-apruba ng komite sa Kamara ng resolusyon na humihimok sa pamahalaang Marcos na makiisa sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa madugong ‘war on drugs’ ng dating administrasyong Duterte.
Ayon kay Dela Rosa, sa ngayon ay wala siyang komento tungkol sa paglusot ng resolusyon sa komite ng mababang kapulungan at iginagalang niya ito dahil pinaiiral naman niya ang inter-parliamentary courtesy sa pagitan ng mga kongresista.
Saka na lamang aniya siya magre-react o magbibigay ng komento sakaling makalusot ang resolusyon sa plenaryo ng Kamara at sa ngayon ay hahayaan lamang niya ang mga kongresista sa kanilang trabaho at maghihintay na lamang ng resulta o kalalabasan ng resolusyon.
Batid din ng senador na trabaho lamang din ng mga kongresista ang kanilang ginagawa at hindi siya pwedeng makialam dito.
Sinabi pa ni Dela Rosa na hindi rin sasama ang kanyang loob kung anuman ang kahinatnan ng resolusyon sa Kamara dahil siya lang din naman ang mahihirapan sa huli.