Sen. Dela Rosa, hinikayat ang Senado na irekomenda ang pagpapanagot sa mga utak ng pekeng People’s Initiative

Hinihimok ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang Senado na humanap ng posibleng mga legal na hakbang laban sa mga “mastermind” o utak ng pekeng People’s Initiative na layong amyendahan ang Konstitusyon.

Iginiit ni Dela Rosa sa ginanap na pagdinig ng Senado na bagama’t kinikilala ang ipinataw na suspensyon ng COMELEC sa lahat ng proceedings na may kinalaman sa People’s Initiative, kailangan pa rin aniyang matukoy ang mga responsable sa panloloko sa publiko para makalikom ng lagda sa kanyang tinatawag na “politician’s initiative.”

Hiniling ng senador na isama sa rekomendasyon ng committee report ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation ang pagsasampa ng kaukulang kaso sa mga nasa likod ng inisyatibo.


Binigyang-diin din ng mambabatas na ang hakbang na ito ay mahalaga para maiwasan na magamit o masamantala ang ilang mga kababayan.

Hinikayat din ni Dela Rosa ang mga kababayang lumagda sa People’s Initiative na bawiin ang kanilang pirma lalo na kung ito ay sapilitan kasabay ng panawagan sa publiko na maging mapagmatyag laban sa mapanlinlang na mga indibidwal na ang gusto ay manipulahin ang kinabukasan ng buong bansa.

Facebook Comments