Sen. Dela Rosa, itinuro ang “artista bloc” sa Senado na siyang nagbuhay sa kudeta laban kay dating Senate President Migz Zubiri

Itinuturo ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa mga artistang senador ang dahilan sa pagbuhay ng kudeta laban kay dating Senate President Juan Miguel Zubiri.

Ang artista bloc sa Senado ay binubuo nina Senators Ramon Bong Revilla Jr., Robinhood Padilla, Lito Lapid at Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada.

Ibinunyag ni Dela Rosa na sumama ang loob ng mga senador na artista matapos tanggihan ni Zubiri ang request ni Revilla na online na lamang dumalo sa plenary sessions dahil naoperahan sa paa.


Napilitan si Revilla na pumunta sa sesyon para hindi mamarkahang absent at dahil dito ay namaga at bumuka ang opera.

Magkagayunman, nilinaw ni Padilla na hindi totoo na ang artista bloc sa Senado ang dahilan sa pagbuhay ng kudeta para patalsikin si Zubiri bilang Senate President.

Paliwanag ni Padilla, wala siyang problema sa pagiging Senate President ni Zubiri.

Wala aniyang magawa si Dela Rosa nang kausapin ng mga PDP-Laban members sa Senado tungkol sa pagbabago ng liderato dahil sa pinaiiral nila na “boto ng isa, boto ng lahat”.

Facebook Comments