Kumbinsido si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na matatawag na kulto ang Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI).
Ito ang naging pagtingin ng senador matapos na magsagawa ng ocular inspection sa Sitio Kapihan kung saan nakausap niya ang mga miyembro at nalibot nila ang kabuuan ng lugar.
Ayon kay Dela Rosa, Chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na nag-iimbestiga sa mga isyu ng SBSI, makikita sa grupo ang depinisyon at elemento ng isang kulto.
Kabilang aniya sa mga element ng isang kulto na taglay ng SBSI ay ang pag-reference sa isang tao bilang Panginoon o Diyos katulad kay Senior Agila o si Jay Rence Quilario na siya ang batang Hesus o si Sto Niño, dagdag pa rito ang kapangyarihang manggamot ng mga maysakit, at mahigpit na pagsunod sa lahat ng utos gaya na lamang ng pagkakaroon ng maiksing buhok ng mga kababaihan, pwersahang pagpapakasal, child labor at iba pa.
Sinabi pa ni Dela Rosa na nahalata niyang pinagtatakpan ng mga miyembro si Senior Agila at iba pa nilang mga lider dahil nang makausap niya ang mga tao doon partikular ang mga nabanggit sa pagdinig ay handang-handa sila sumagot, at halatang ‘rehearsed’ o kabisado na nila ang kanilang mga itutugon.
Aniya pa, maski ang mga tanong na hindi pa dapat sagutin ay sinasagot na rin ng mga myembro bilang pagdepensa sa kanilang mga lider.
Aminado naman si Dela Rosa na pagdating sa batas ay hindi masasabing paglabag ang pagbuo ng isang kulto dahil ito ay makalalabag naman sa Konstitusyon partikular sa ‘freedom of religion’.
Kung may malabag naman umano na ibang constitutional rights ang grupo ay talagang makikialam o papasok na dapat dito ang gobyerno.