Sen. Dela Rosa, magsasagawa ng parallel investigation tungkol sa panibagong alegasyon ng pagkakasangkot sa iligal na droga ng mga Duterte

Maghahain si Senator Ronald “Bato” dela Rosa ng resolusyon para paimbestigahan ang isyu ng pagkakasangkot sa iligal na droga ng pamilyang Duterte at ilang mga dating opisyal ng nakaraang administrasyon.

Ayon kay Dela Rosa, kung hindi haharangin o iha-hijack ang kanyang resolusyon ay ihahain niya ang resolusyon ngayong Lunes para siyasatin ang mga ibinulgar ng dating intelligence officer ng Customs na si Jimmy Guban sa imbestigasyon ng quad committee ng Kamara.

Balak ipatawag ni Dela Rosa sa Senado ang mga pinangalanan ni Guban sa pagdinig ng Kamara upang mabigyan ng pagkakataon ang mga ito na marinig ang kanilang panig at makapagpaliwanag.


Aniya, gagamitin niyang basehan kay Guban ang pagbabago nito ng sinumpaang pahayag sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee na pinamumunuan noon ni dating Senator Richard Gordon.

Hahamunin din ng mambabatas si Guban na sumailalim sa lie detector test para maklaro kung totoo ang kanyang mga rebelasyon sa pagdinig ng Mababang Kapulungan.

Naniniwala naman si Dela Rosa na bilang naging dating imbestigador din noon sa Philippine National Police (PNP) ay halata aniyang scripted ang mga pahayag ni Guban.

Facebook Comments