
Kumpyansa si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na may mga senador na susuporta sa kanyang ihahain na resolusyon na nagpapabasura sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Dela Rosa, may numero na siya pero hindi pa niya masabi kung gaano karami ang mga senador na boboto pabor sa kanyang resolusyon.
Binigyan niya ng kopya ng draft reso ang mga senador na gustong humingi at may mga mambabatas na naghayag ng suporta sa kanyang resolusyon.
Paliwanag pa ng senador, ginawa niya ang resolusyon bilang suporta sa naunang manifestation sa plenaryo ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na “functionally dismissed” na ang impeachment case at hindi na pwedeng aksyunan sa 20th Congress.
Umaasa si Dela Rosa na ma-a-adopt ang kanyang resolusyon oras na maihain ito, pero bago pagbotohan ay obligado pa rin silang talakayin ang articles of impeachment na magiging batayan para maibasura ang kaso.









