Muling binigyang diin ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa, na hindi siya kailanman papayag na litisin ng isang foreign body tulad ng mga korte sa ibang bansa at ng International Criminal Court (ICC).
Ito ay matapos na ihayag ni Pangulong Bongbong Marcos na kanyang pag-aaralan ang muling pagbabalik ng bansa sa ICC.
Bagama’t naunang sinabi ni Dela Rosa, na kanyang igagalang ang magiging desisyon ng pangulo sa ICC, hindi naman siya makakapayag na litisin ng korte ng ibang bansa.
Sinabi ng senador, na tanging sa mga korte ng Pilipinas lamang siya magiging handa na humarap at malitis kaugnay ng mga kaso sa ipinatupad na war-on-drugs ng nakaraang administrasyon Duterte.
Nilinaw naman ni dela Rosa, na kahit hindi siya papayag na litisin ng korte sa ibang bansa kahit magbalik-loob tayo sa ICC, hindi naman niya gagawin ang pagalis ng Pilipinas para takasan ang kanyang mga kaso at haharapin niya ang mga ito.
Nang matanong naman kung ano ang naramdaman ng senador na pinagaaralan ngayon ng presidente ang muling pagsapi ng bansa sa ICC, pakiramdam niya ay dapat siyang maging handa sa anumang maaaring maganap dahil ang sitwasyong political sa Pilipinas ay pabago-bago.