Sen. Dela Rosa, naniniwalang utos ni Speaker Martin Romualdez ang imbestigasyon sa drug war ng dating Duterte administration

Kumbinsido si Senator Ronald “Bato” dela Rosa na si House Speaker Martin Romualdez ang nasa likod ng imbestigasyon ng quad committee sa war on drugs ng dating administrasyong Duterte.

Ayon kay Dela Rosa, wala siyang pagdududa sa mga chairmen ng bumubuo ng quad committee at para sa kanya ginagawa lamang ng mga ito ang kanilang trabaho.

Naniniwala ang mambabatas na ang Speaker ang nasa likod ng imbestigasyon laban sa kanila at posibleng gamitin ito sa mga kasong kinakaharap nila sa International Criminal Court (ICC).


Sinabi ni Dela Rosa na si Romualdez ang nag-recruit sa ilang opisyal ng dating administrasyon na gumawa ng affidavit para idiin sila ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC.

Nakatitiyak ang senador na ni-recruit din si Police Lt. Colonel Jovie Espenido para magsinungaling sa Kamara at akusahan siya na nagpapatay ng mga drug suspect.

Sumumpa pa si Dela Rosa sa Diyos na kahit kailan ay hindi siya nagbigay ng quota at lalo ng reward money sa makapapatay sa mga kabilang sa narco-list ni dating Pangulong Duterte.

Facebook Comments