Sen. Dela Rosa, pinangakuan ni PBBM na hindi papapasukin sa bansa ang ICC

“Solid as a rock” o singtibay ng bato ang pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na hindi papapasukin sa bansa ang International Criminal Court (ICC).

Ito ang inihayag ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa matapos siyang bigyan ng kasiguraduhan ni PBBM na hindi papapasukin sa bansa ang ICC na gustong magsiyasat sa drug war ng nakaraang Duterte administration.

Ang pagbibigay katiyakan na ito ng pangulo sa kanya ay nangyari noong imbitahan sila na maghapunan sa Malakanyang noong November 28.


Giit ni Dela Rosa, pinanghahawakan niya ang pagbibigay katiyakang ito sa kanya ng pangulo sa kabila ng impormasyong inilabas ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na naririto na sa Pilipinas ang mga imbestigador ng ICC.

Magkagayunman, sakali aniyang totoo na nasa bansa na ang ICC at pumasok sa bansa nang walang permiso sa pamahalaan ay dapat itong tugisin ng Department of Justice (DOJ), ideklarang ‘undesirable alien’ at ipa-deport agad ng Bureau of Immigration (BI).

Sakali namang may permiso mula sa gobyerno ang pagpasok ng ICC, sinabi ni Dela Rosa na hindi niya matatantya kung ano ang magiging pakahulugan nito sa mga Duterte.

Sa kanyang tingin ay magmumukhang laban-bawi ang Marcos administration at kung wala namang impormasyon sa pagpasok ng ICC ay magmimistula namang inutil ang pamahalaan.

Tiniyak naman ni Dela Rosa na nakahanda siyang humarap sa imbestigasyon, hindi magtatago at hindi rin puputulin ang ugnayan sa Marcos administration.

Facebook Comments