Sen. Dela Rosa, sisingilin ang dating ISAFP chief sa susunod na pagdinig ng Senado tungkol sa dating PNP chief na nasa payola ni Alice Guo

Tiniyak ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na sisingilin niya sa susunod na pagdinig ng Senado si Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR Security and Monitoring Cluster Senior Vice President Ret. Gen. Raul Villanueva.

Ito’y matapos na sabihin ni Villanueva sa pagdinig kahapon ng Senate Committee on Women tungkol sa POGO na may dating PNP chief ang kasama sa payola ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ayon kay Dela Rosa, sisingilin niya si Villanueva sa susunod na pagdinig sa kabila ng paglilinaw ng dating Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) official na hindi ang senador ang tinutukoy na dating PNP chief na tumatanggap ng suhol o nasa monthly payroll ng sinibak na alkalde.


Dismayado si Dela Rosa kung bakit sinabi pa iyon ni Villanueva dahil nagmumukha lang itong marites o tsismis sabay kwestyon sa ISAFP na ganoon ba ang kanilang produkto na naglalabas ng mga impormasyon na hindi naman validated.

Giit pa ni Dela Rosa, ang intelligence community o si Villanueva ang source ng impormasyon kaya dapat ay sila na ang magpatunay at pangalanan kung sino ang dating PNP chief na kasama sa payola ni Alice Guo.

Facebook Comments