
Kumpiyansa si Senate President Tito Sotto III na “good choice” din na maging bagong chairman ng Senate Blue Ribbon Committee si Senator Erwin Tulfo.
Ikinukonsidera din kasi ngayon na maging chairman ng Blue Ribbon ang neophyte senator.
Ayon kay Senate President Tito Sotto III, kung wala talagang tatanggap sa naunang limang senador na pinagpipilian, ay awtomatikong aakyat si Tulfo dahil siya ang vice chairman ng Blue Ribbon.
Tiwala ang SP sa kakayahang ipinamalas ni Sen. Erwin kahit pa bago ito sa Senado.
Matatandaang kabilang sa mga pinagpipiliang maging bagong chairman ng makapangyarihang komite sina Senators Kiko Pangilinan, Risa Hontiveros, Pia Cayetano, JV Ejercito, at Raffy Tulfo.
Sinabi ni Sotto na sa mga nabanggit, si Raffy pa lang ang opisyal na tumanggi habang pinag-iisipan pa ni Ejercito ang alok na chairmanship.
Ngayong araw ay magdaraos ng caucus ang mayorya para pag-usapan ang bagong chairman ng Blue Ribbon Committee matapos na maging pinal ang pagbibitiw rito ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson.









