
Inanunsyo ni Senate President Tito Sotto III na tatayong acting Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee si Senator Erwin Tulfo.
Ito ang naging resulta ng majority caucus na isinagawa ngayong tanghali dito sa Senado.
Ayon kay Sotto, karamihan ng mga miyembro ng majority bloc ay nagkasundo na si Sen. Erwin muna ang maging acting Chairman ng Blue Ribbon.
Paliwanag ni Sotto, si Sen. Erwin ay vice chairman ng komite kaya awtomatikong umakyat ito bilang acting Chairman.
Nasa abroad aniya ngayon si Sen. Erwin pero tinawagan niya muna ito para siguraduhing tatangapin pansamantala ang naturang posisyon.
Sinabi pa ni Sotto na mananatili pa rin sina Senators Pia Cayetano, Risa Hontiveros, JV Ejercito, Raffy Tulfo at Kiko Pangilinan na kandidato sa pagka-Chairman ng Blue Ribbon.
Pagbalik ni Sen. Erwin, agad na magpapatawag ng pulong si Sotto para pagusapan ang pagbabagong ito sa Blue Ribbon Committee.









