
Dumulog sa Korte Suprema si Senator Francis “Chiz” Escudero para hilingin na ipa-disbar ang isang abogado dahil sa mga umano’y mapanirang post nito tungkol sa kaniya.
Ngayong Lunes, inihain ang petisyon sa SC laban kay Atty. Jesus Falcis III para tanggalin ito sa hanay ng mga abogado.
Batay sa kopya ng petisyon, mula Hulyo hanggang Setyembre ay ininsulto siya ni Falcis at tinawag na “shameless,” “the worst Senate President in history,” at paulit-ulit na “bulok na keso.”
Giit ni Escudero, hindi simpleng opinyon ang mga ito kundi malinaw na paninira at paglabag sa Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA).
Sinabi pa ng senador na dati nang na-contempt si Falcis ng Korte Suprema kaya’t tila naging paulit-ulit na ang paglabag nito.
Inihalimbawa rin ni Escudero na may mga naunang abogado nang napatalsik sa propesyon dahil sa maling paggamit ng social media gaya ni Atty. Berteni “Toto” Causing noong 2022 at ni Larry Gadon noong 2023.
Bagama’t tanggap raw niya ang kritisismo bilang opisyal, naniniwala siyang tungkulin ng mga abogado na magpahayag nang may dignidad at paggalang at may hangganan ang malayang pagpapahayag lalo na sa nasa hanay ng abogasya.









