Iginiit ni Senator Jinggoy Estrada na dapat may matanggal sa pwesto o maparusahan dahil nakakalabas sa detention facility ng National Bureau of Investigation (NBI) ang high-profile inmate na si Jose Adrian “Jad” Dera, ang co-accused ni dating Senator Leila de Lima sa mga natitira pa nitong illegal drug cases.
Ayon kay Estrada, higit pa sa dagok ang idinulot ng isyung ito para masira ang imahe ng NBI.
Nakakaalarma aniya na may mga ganitong pangyayari kung saan nakakalabas ng malaya ang isang high-profile detainee sa kanilang pasilidad ng walang dahilan, walang court order o medical emergency.
Sinabi ng senador na nauunawaan niyang suspendido na ngayon ang chief security at head ng NBI detention facility dahil sa insidente at nasampahan na rin ng kasong kriminal ang anim na security personnel na kasabwat ni Dera sa paglabas sa NBI facility.
Ipinauubaya naman ni Estrada sa Department of Justice (DOJ) ang desisyon kung magpapatupad ng revamp sa mga tauhan ng NBI matapos habulin ang mga sangkot sa insidente o magpataw ng mas mahigpit na aksyon laban sa mga ito.