Sen. Estrada, umaasang ipagbabawal sa bansa ang pagpapalabas sa sinehan ng pelikulang “Barbie”

Umaasa si Senator Jinggoy Estrada na tulad sa Vietnam ay ipagbabawal din sa Pilipinas ang pagpapalabas ng pelikulang “Barbie”.

Sa nasabing pelikula ay may isang clip o eksena rito na may mapa at ipinapakita ang nine-dash line ng China sa South China Sea.

Iginiit ni Estrada na bagama’t maituturing na ‘fiction’ o kathang isip lang ang “Barbie” film pero ang usapin ng nine-dash line ng China at ang teritoryo ng bansa ay ikinukunsiderang napakasensitibong isyu.


Binigyang diin ng senador na taliwas sa pambansang interes ang eksena sa pelikula at walang ‘historic rights’ ang China sa karagatan o teritoryo na sinasabing sakop ng nine-dash line sa ating West Philippine Sea.

Punto pa ni Estrada, mismong ang Arbitral tribunal ang nagdesisyon noong 2016 na walang basehan ang naturang linya na likha lang ng China.

Sinabi ni Estrada na matagal na ipinaglaban ng gobyerno ang karapatan ng bansa sa ating teritoryo at marapat lamang na manindigan tayo sa mga usapin na may kinalaman sa soberenya ng bansa.

Dagdag pa ng mambabatas, ang mga naunang pelikula tulad ng ‘Unchartered’ at ‘Abominable’ ay hindi pinayagan ang pagpapalabas sa mga cinema o movie houses sa bansa dahil sa parehong dahilan kaya umaasa si Estrada na ganito rin ang magiging pasya ng MTRCB sa ‘Barbie’ movie.

Facebook Comments