Sen. Gatchalian: Dagdag na taon para sa senior high school, bigong matupad ang layunin

Naniniwala si Basic Education Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian na bigo ang senior high school program na matupad ang layunin matapos lumabas sa survey na marami sa mga mag-aaral ang hindi kuntento sa programa.

Batay sa resulta ng Pulse Asia survey na kinomisyon ni Gatchalian at isinagawa noong June 19 hanggang 23, 2023, apat lamang sa sampung Pilipinong magaaral o 41% lamang sa 1,200 kalahok sa buong bansa ang nagsabing satisfied sila sa senior high school.

Mas mataas nang bahagya ang mga hindi naman kuntento na nasa 42% samantalang 16% ang hindi tiyak kung kuntento sila o hindi.


Aniya, makikita sa survey ang kabiguan ng programang tuparin ang pangako nitong gawing handa para sa kolehiyo at trabaho ang mga kabataan.

Sinabi ni Gatchalian na nagdagdag ng dalawang taon para sa high school pero ito ay dagdag gastos lamang para sa mga magulang.

Patunay aniya sa survey na marami ang hindi nakikita ang benepisyo ng naturang programa.

Tinukoy rin sa isang 2020 discussion paper ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), 20% lamang ng graduates ng senior high school ang pumapasok sa labor force, samantalang 70% naman ang nagpapatuloy sa kanilang edukasyon.

Lumabas din sa pag-aaral na pagdating sa basic pay, halos walang pinagkaiba ang sahod ng senior high school graduates kung ihahambing sa mga nagtapos ng dalawang taon sa kolehiyo o Grade 10.

Facebook Comments