Hiniling ni Senator Sherwin Gatchalian sa pamahalaan na i-mobilize na ngayon ang mga Local Government Unit (LGU) para matugunan ang kakulangan sa suplay ng tubig dulot na rin ng El Niño.
Ito ang nakikitang short-term solution ng senador para matiyak na tuluy-tuloy pa rin ang suplay ng tubig sa maraming lugar sa bansa sa kabila ng El Niño na inaasahang mararanasan sa buong taon na sinabayan pa ng siyam hanggang 11 oras na water interruption sa mga consumers ng Maynilad.
Sa pulong balitaan, tinukoy ni Gatchalian ang tatlong magkakadugtong na problemang dulot ng El Niño, ito ay ang kakulangan sa suplay ng tubig, kuryente at food security na maaaring mauwi sa mataas na singil, kakulangan ng suplay at pagtaas pa lalo ng inflation.
Payo ng mambabatas, gamitin na ng pamahalaan ang mga LGU dahil ang mga ito ay may kakayahan na pansamantalang tugunan ang problema sa suplay ng tubig lalo’t taun-taon kahit hindi El Niño ay nagkakaroon ng problema sa suplay ng tubig.
Aniya, mahalagang ma-activate na ngayon ng pamahalaan ang mga LGU dahil may sarili silang mga water tanker na imbakan ng tubig na maaaring irasyon sa mga constituents.
Samantala, para sa long-term solution ay inirekomenda ni Gatchalian na gayahin ang ginagawa ng ibang mga bansa na mayroong ibang water supply o mapagkukunang source ng tubig at magkaroon ng water storage o tanker nang sa gayon ay may back up na suplay na tubig ang bansa kahit magtuluy-tuloy pa ang El Niño.