Hiniling ni Ways and Means Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian sa pamahalaan na unahin munang ayusin ang pangongolekta ng buwis bago ang anumang plano na pagpapataw ng dagdag na bagong buwis sa bansa.
Ngayong taon ay target na ipatupad ng Marcos administration ang bagong tax measures kabilang dito ang dagdag na buwis para sa mga matatamis na inumin at junkfoods.
Para kay Gatchalian, ang pagprayoridad sa pagtataas ng buwis gayong hindi nasosolusyunan ang mga isyu ay nagiging paborable lamang sa mga hindi nagbabayad ng buwis sa gobyerno.
Bukod dito, ang hindi rin pagresolba sa problema ng ating tax collection ay mas lalong lumilikha ng pagkakataon sa mga corrupt na opisyal na maipagpatuloy ang kanilang mga katiwalian.
Giit pa ni Gatchalian, unahin na tugunan ang tax administration sa pamamagitan ng ‘digitalization’ para mas maging madali para sa mga taxpayers ang pagbabayad ng buwis.
Sa ganitong mga paraan ay maitataas ang koleksyon at kita ng gobyerno na malaking tulong para sa pagpopondo ng social services na programa.