Sen. Gatchalian, may ideya na kung sino ang dating opisyal ng gobyerno na nagla-lobby para sa mga iligal na POGO

Mayroong ideya na si Senator Sherwin Gatchalian tungkol sa dating cabinet official na nagla-lobby para magkalisensya ang ilan sa mga iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na ni-raid ng mga awtoridad kamakailan.

Ayon kay Gatchalian, hindi na muna niya sasabihin kung sino dahil wala pa siyang konkretong ebidensyang maipapakita.

Mas mainam aniya kung manggaling na lang mismo kay Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman and CEO Alejandro Tengco ang pag-anunsyo kung sino ang nasabing opisyal ng gobyerno.


Kaya naman sa susunod na pagdinig ay iimbitahan nila ang ahensya para pangalanan sa Senado kung sino ang dating mataas na opisyal na nagpapalusot sa mga iligal na POGO at ilabas na rin ang mga dokumentong magpapatunay dito.

Sa July 10 ang panibagong pagdinig ng Committee on Women at kasama na rito ang panibagong development na isang dating cabinet member ang nagla-lobby para makapag-operate sa bansa ang ilang illegal POGOs.

Facebook Comments