Pinangaralan ni Senator Sherwin Gatchalian si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Leader Pastor Apollo Quiboloy na igalang ang proseso ng korte ngayong may warrant of arrest na inisyu laban sa kanya.
Sa gitna na rin ito ng katwiran ng kampo ni Quiboloy na hindi naman korte ang Kongreso kaya hindi humaharap ang religious leader sa imbestigasyon ng Senado at maging sa Kamara.
Giit ni Gatchalian, ngayon na may warrant na mula sa korte, dapat na irespeto ng pastor sa pagkakataong ito ang judicial process.
Wala na ring dahilan ang pastor dahil formal court na rin mismo ang may utos sa pagpapaaresto sa kanya at dito’y maaari niyang ipaliwanag at depensahan ang kanyang sarili laban sa mga akusasyon ng pang-aabuso na ibinabato sa pastor mula sa mga dating miyembro ng KOJC.
Dumipensa rin ang senador sa mga akusasyon na mistulang kinukuyog ang pastor sa kaliwa’t kanang mga pagdinig dahil ginagawa lamang ng Kongreso ang kanilang mga trabaho.