Kumpyansa si Senate Ways and Means Committee Chairman Sherwin Gatchalian na nalalapit na ang tuluyang pagpapasara sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Ayon kay Gatchalian, mataas ang sentimyento ng publiko na nagnanais na maalis ang mga POGO sa bansa kung saan sa pinakahuling survey na ginawa ay 70 percent ng mga Pilipino ang takot at ayaw sa POGO.
Inaasahan ng senador na mas tataas pa ang pagnanais ng publiko na mapalayas na sa bansa ang mga POGO lalo na sa mga pinakahuling insidente kung saan maging ang mga accredited POGO service provider ay nagagamit lamang na ‘front’ ang operasyon para maisakatuparan ang kanilang mga criminal activities sa bansa.
Bukod dito, dalawang lagda na lamang ang kailangan ni Gatchalian para sa kanyang committee report sa ginawang imbestigasyon ng Senado sa mga benepisyo at krimeng kaakibat ng mga POGO kung saan kabilang sa rekomendasyon ang pagpapatigil sa operasyon ng lahat ng POGO sa bansa.
Tiwala rin ang mambabatas na kahit hindi makakuha ng sapat na boto ang committee report ay maaari pa ring mapatigil ang POGO operation sa bansa sa pamamagitan ng aksyon ng ehekutibo.
Maaari aniyang gawin ulit ng Senado ang magpatibay ng resolusyon na nananawagan sa Ehekutibo ng total ban sa mga POGO tulad ng ginawa noong ipagbawal sa buong bansa ang e-sabong.
Aniya pa, noong nakaraang buwan lamang ay nagkausap sila ni Pangulong Bongbong Marcos tungkol sa POGO at nagpahayag ito ng pagkabahala gayundin ang economic managers ay sumasang-ayon na rin na ipagbawal ang mga POGO sa bansa.
Batid aniya ng economic managers ang reputational risk o pagkasira ng pangalan ng Pilipinas at dahil dito ay maaapektuhan ang ekonomiya ng bansa dahil posibleng wala ng turista o investors ang pupunta sa bansa dahil matatakot sa mga naglipanang krimen na dala ng mga POGO.