Tiwala si Committee on Energy Chairman Senator Win Gatchalian na puspusang kikilos at magtutulungan ang mga energy related government offices at private operators para matiyak na wala nang magiging banta ng rotational brownouts.
Pahayag ito ni Gatchalian makaraang sabihan umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP at mga energy officials na siguraduhin na wala nang mararanasang rotational power outages sa bansa.
Kaugnay nito ay iginiit ni Gatchalian sa NGCP na sa halip bigyang katwiran ang hindi nito pagsunod sa mga polisiya ng gobyerno ay dapat agaran itong tumalima sa mga patakaran ng pamahalaan.
Ayon kay Gatchalian, ito ay para masiguro sa mga consumer ang sapat na suplay ng kuryente lalo na ngayong may pandemya.
Iginiit naman ni Gatchalian sa Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission na papanagutin ang mga electric power industry participants na hindi sumusunod sa polisiya ng gobyerno kaya humina ang serbisyo sa electric consumer.