Sen. Gatchalian, umaasang susuportahan ng Malacañang ang panawagang ipatigil ang operasyon ng mga POGO sa bansa

Umaasa si Committee on Ways and Means Chairman Senator Sherwin Gatchalian na susuportahan ng administrasyong Marcos ang kanyang panawagan na ipatigil na ang operasyon ng lahat ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.

Nag-ugat ang muling apela ng senador na ipahinto na ang operasyon ng mga POGO sa bansa sa isyu ng pag-eemploy ng isang accredited POGO service provider ng 7 dayuhang pugante na pawang 4 na Chinese at tatlong Taiwanese.

Ang tinutukoy ng senador ay ang ni-raid na POGO na XinChuang Network Technology sa Las Piñas na kamakailan ay naipasara ng PAGCOR dahil sa mga hinihinalang pagkakasangkot sa mga criminal activities.


Ayon kay Gatchalian, nagusap na sila ni Pangulong Bongbong Marcos tungkol sa mga problema at mga krimeng dala ng mga POGO sa bansa at nagpahayag ng pagkabahala rito ang Presidente.

Giit ni Gatchalian, ang pinakahuling insidente ng raid sa isang POGO service provider ay malinaw na ebidensya na ang industriya ng POGO ay malalim na nakabaon sa mga gawaing kriminal at maliwanag din na kahit ang mga lehitimong POGO ay nadadawit din sa mga krimen.

Tinukoy pa ng mambabatas na ito ang pangalawang insidente sa loob ng dalawang buwan na isang legal na POGO service provider ang sangkot sa kriminalidad patunay na ginagamit lamang nila ang kanilang lisensya bilang “front” para malayang makagawa ng iba’t ibang krimen sa bansa.

Facebook Comments