Sen. Go, dumipensa sa isyu ng kawalan ng decorum ng mga senador

Dinepensahan ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga senador laban sa mga bumabatikos sa umano’y kawalan na ng decorum sa Senado.

Giit ni Go, ang ingay o sinasabing gulo na nakikita sa plenaryo tuwing may sesyon ay resulta lamang ng ‘productive energy’ ng mga aktibong miyembro ng Mataas na Kapulungan.

Tuwing may sesyon aniya ay hindi maiwasan na mag-usap-usap o magkaroon ng diskusyon ang mga senador sa mga isyung tinatalakay sa araw na iyon.


Tiniyak ni Go na naka-focus ang mga mambabatas sa kanilang trabaho at may order naman na sinusunod sa kanilang kapulungan.

Tinukoy pa ng mambabatas na dahil sa energetic leadership nina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senate President Pro Tempore Loren Legarda kaya ang nagiging resulta ay isang productive energy mula sa mga senador.

Magkagayunman, para maiwasan ang mga ganitong kritisismo ay pinayuhan ni Go ang mga kapwa senador na i-tone down o bawasan ang lakas ng mga pag-uusap ng mga senador na nasa gilid bilang pagbibigay respeto na rin sa nagsasalitang senador na nagbibigay ng privilege speech o dinedepensahang panukalang batas.

Facebook Comments