Pinapaimbestigahan na ni Senate Committee on Public Services Chairman Senator Grace Poe ang nangyaring trahedya na pagtaob ng MB Aya Express sa Laguna, Lake sa bahagi ng Binangonan, Rizal na ikinasawi ng 27 katao.
Inihain ni Poe ang Senate Resolution no. 704 na layuning alamin ang accountability sa insidenteng nangyari noong July 27 at para masilip kung nasunod ba ang maritime safety regulations bago payagang maglayag ang naturang motorboat.
Nakasaad sa resolusyon ang pagtukoy ng mga awtoridad na overloading ang sanhi ng pagtaob ng pampasaherong bangka kung saan 42 lang ang allowed seating capacity ng motor banca pero ang lulan ng Aya Express ng araw ng trahedya ay nasa 70 pasahero kasama na rito ang mga crew.
Iginiit ni Poe na mahalagang mapanagot sa batas ang mga responsable sa pagkasawi ng 27 indibidwal pati na rin ang tinamong trauma ng 43 mga biktimang nasagip mula sa paglubog ng bangka lalo’t ibinubulgar ng trahedya ang kapabayaan sa pagsunod sa maritime safety.
Kabilang sa mga ipapatawag sa imbestigasyon ang Philippine Coast Guard at Maritime Industry Authority gayundin ang boat operator, boat captain at shipowner.
Binigyang diin pa ng senadora na napapanahon na para magkaroon ng National Transport Safety Board na siyang mag-iimbestiga sa mga insidenteng nangyari sa lupa, tubig at sa himpapawid at ito rin ang mag-iisyu ng mga rekomendasyon at mga pag-aaral upang maiwasan na ang mga ganitong trahedya sa hinaharap.