Sen. Grace Poe, nagpaalala na huwag maging kampante ang mga ahensya sa mga scammer

Kinalampag ni Senator Grace Poe ang mga kaukulang ahensya ng gobyerno na huwag maging kampante laban sa mga scammer.

Ito ay kahit pa aabot na sa mahigit 100 milyon users ang nagparehistro ng kanilang SIM sa buong bansa.

Hanggang sa kasalukuyan kasi ay gumagawa pa rin ng ibang paraan ang mga scammer para makapanloko at makapagnakaw ng ipon sa kabila ng paghihigpit ng gobyerno sa paggamit ng SIM.


Pinaiigting din ng senadora na siya ring chairman ng Committee on Public Services ang pagkilos ng gobyerno at mga telecommunication company na gawin ang lahat ng paraan na maparehistro ang mga SIM bago ang registration deadline sa July 25, 2023.

Pinatutugunan ni Poe ang mga hamon sa registration ng ilang mga kababayan tulad ng mga SIM user na mula pa sa malalayong lugar, at mga matatanda at PWDs na nangangailangan ng gabay para makapagparehistro.

Dagdag pa ni Poe, ang SIM registration ay malaki ang maitutulong para makalaya na ang publiko mula sa mga panganib ng panloloko at exploitation na hanggang ngayon ay laganap pa rin sa bansa.

Facebook Comments