Sen. Grace Poe, patuloy na isusulong ang FOI sa Senado

Nangako si Senator Grace Poe na patuloy na isusulong sa Kongreso ang pagkakaroon ng Freedom of Information (FOI) Law.

Kaugnay na rin ito sa mga idinagdag na restrictions ng Palasyo ng Malakanyang sa mga impormasyon na maaari lamang ma-access ng publiko sa ilalim ng Executive Order ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Poe, bagama’t kapuri-puri ang pagkukusa noon ng pamahalaan na magkaroon ng EO para sa FOI, ang pinakalayunin naman dito ng Senado ay ma-institutionalize ito sa pamamagitan ng pagsasabatas.


Tiniyak ni Poe ang patuloy na pagtutulak para sa pagkakaroon ng FOI Law, isang batas na mas nagbibigay sa publiko ng access sa impormasyon sa halip na puro restrictions.

Iginiit ng senadora ang kahalagahan ng transparency sa impormasyon sa accountability ng mga taga gobyerno at kung walang transparency ay hindi magiging epektibo ang partisipasyon ng mga tao para sa epektibong pamamahala.

Punto pa ni Poe na bawat Pilipino ay may karapatan para sa impormasyon patungkol sa public concern at ito ay maituturing na sagradong elemento para sa pagpapalakas ng kapangyarihan at demokrasya.

Facebook Comments