Kumpyansa si Senator Grace Poe na agad magkakasa ang Senate Blue Ribbon Committee ng pagdinig tungkol sa isiniwalat niyang human-trafficking scheme sa pamamagitan ng mga private plane.
Tiwala si Poe na agad magpapatawag ng pagdinig dito ang Blue Ribbon Committee sa mga susunod na araw dahil lagi namang mabilis na nagsasagawa ng Senate inquiry ang komite.
Matatandaang matapos ang naging privilege speech ni Poe tungkol sa isyu ay agad ding ini-refer o ipinasa ang usapin sa Blue Ribbon Committee, habang secondary committee naman ang Public Order ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang Public Services ni Poe.
Hihilingin na paharapin sa pagdinig ang pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) bilang sila ang may hawak sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA); ang Bureau of Immigration (BI) dahil sila ang nagbigay ng departure clearance sa mga undeclared na pasahero; at ang Philippine National Police (PNP) Aviation Security Unit na unang nag-alerto sa modus na ito.
Umaasa ang senadora na makikipagtulungan ang Globan Aviation bilang testigo na siyang ground handler ng flight na nasangkot dito.