Hinimok ni Senator Grace Poe ang mga employer na bigyan ng supplementary allowances at benepisyo ang kanilang mga manggagawa upang makaagapay sa epekto ng tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at produktong petrolyo.
Ayon kay Poe, ito ay pandagdag tulong sa mga minimum wage earner na makatawid sa kanilang pangaraw-araw na buhay lalo’t kapapasa pa lang ng Senado sa P100 wage hike bill.
Nakatitiyak si Poe na ang mga negosyo na tunay na may malasakit sa mga empleyado ay hahanap ng paraan para sa kinakailangang adjustments na ito.
Aniya, kahit pa may mga bahagyang pagtaas sa minimum wage noon ay hirap itong maramdaman ng mga kababayan dahil sa patuloy na pagtaas sa presyo ng mga bilihin.
Tinukoy ni Poe na malayo pa ang kasalukuyang P610 na minimum wage sa Metro Manila dahil para mabuhay ang manggagawang may limang anak o miyembro ng pamilya, kinakailangan ang P1,193 na sahod kada araw o P25,946 kada buwan.