Sen. Hontiveros at Vice President Duterte, nagtarayan sa pagdinig ng budget sa Senado

Nagkapersonalan sina Senator Risa Hontiveros at Vice President Sara Duterte sa gitna ng pagdinig ng budget ng Office of the Vice President sa Senado.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance para sa ₱2.037 billion na 2025 budget ng OVP, nagtalo sina Hontiveros at Duterte tungkol sa librong may pamagat na “Isang Kaibigan” kung saan nausisa ng senadora kung patungkol saan ang naturang libro.

Ang libro ay may alokasyong ₱10 million at ito ay ini-akda mismo ni VP Duterte.


Pero sa halip na sagutin ni VP Duterte kung tungkol saan ang libro ay nag-aakusa naman ito na pinupulitika na ni Hontiveros ang pondo ng kanyang ahensya.

Iginiit pa ng bise presidente na problema talaga ni Hontiveros ay dahil nakalagay sa libro na iyon ang kanyang pangalan at ang mga bata aniya na mabibigyan ng libro ay may mga magulang na botante.

Pumalag si Hontiveros sa mga akusasyon ni VP Duterte at aniya, hindi niya na nagugustuhan ang ugali o pakikitungo sa kanya ng pangalawang pangulo dahil simple lamang aniya ang kanyang tanong na nangangailangan lang ng simpleng sagot at ang mga sinabi ng vice president ay wala nang kinalaman sa budget at sa paksa na kung tungkol saan ang libro.

Tinapatan din ni Duterte ang pahayag ni Hontiveros at sinabi rin na hindi niya nagugustuhan ang ugali ng senadora sabay sumbat niya na ang mambabatas ang unang bumanat sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos manalo sa halalan sa kabila ng pagtulong niya rito na mangampanya at makakuha ng boto sa kanilang lugar sa Davao City.

Mistulang nag-referee na sa bangayan ng dalawa si Senate Committee on Finance Chairperson Grace Poe at siya na ang nagtanong kung tungkol saan ang libro na sinagot naman ni VP Sara na ang explanation ay nasa pamagat ng libro na “Isang Kaibigan” na tungkol sa friendship o pagkakaibigan.

Sa huli, ay inaprubahan din ng komite ang budget ng OVP para sa susunod na taon.

Facebook Comments